“Isaw, Anyone?”

March 29, 2008 twilightmistress

(Isang estudyanteng bumibili ng isaw at lalaking nagbebenta ng isaw)

ESTUDYANTE: Manong, pabili nga ng isaw, 5x-4 where x=2.

MANONG: Bale, 6.

 

Kung ganito ka-useful ang math sa buhay ng tao…

Aba’y SUNTUKAN NA LANG!

 

Nakakatawa diba? Kahit ako natawa nang una kong mabasa ang quote na ito. Oo nga naman, ang dami-dami nating pinag-aaralan sa eskwelahan na hindi naman natin nagagamit ng husto sa praktikal nating mga buhay. Di mo naman siguro type na sukatin ang perimeter ng Heroes Park para malaman kung gaano ka katagal makararating sa kabilang dulo nito! Maliban nalang kung talagang trip mong pasakitin ang ulo mo’t math enthusiast kang talaga. Paborito mo narin sigurong linya pagkatapos na exam ang “kainis naman sino ba kasing nakaimbento ng (fill in the blank) na iyan!” Bakit pa nga ba natin pinag-aaralan ang mga iyan? Sa mga taong kasisimula pa lang na taon eh tinatamad na, para sa inyo to!

Isaw panlaman-tiyan.

Hindi na maikakaila ang tindi ng gutom at hirap na bakas sa mukha ng Pilipinas. Oo, mahirap lang si Juan. Mahirap damitan ng salita ang ganito kahubad na katotohanan. Isa daw ito sa mga dahilan kung bakit kahit magkabaon-baon sa utang patuloy pa ring sinusuportahan ng mga mararangal na magulang ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Nangangarap ang bawat isa na makatapos sa kalbaryo nang sa huli ay umani naman. Nang makapagtrabaho, kumita, mabuhay. Ang edukasyon daw ang solusyon. Pag nakapagtapos ka, may trabaho ka, at pag may trabaho ka masusuportahan mo na ang iyong mga pangangailangan. Parang isaw, nagkalat sa daan, madaming mahahanapan. Maghihintay ka nga lang na maluto gamit ang init ng uling, ngunit di magtatagal ang gutom mo’y maiibsan sa isaw na ito.

Isaw pambaon?

Hindi mo babasahin ito kung hindi ka naturuang magbasa at kung hindi kami naturuang magsulat. Isa ito sa mga pangunahing dahilan ng pag-aaral natin, para matuto ng mga kasanayang kailangan para mabuhay. Tinuturuan tayong magbilang, magsalita, magsulat, minsan pati manahi at magluto para ano’t ano pa man ay siguradong masusuportahan natin ang ating mga sarili. Basic knowledge din para hindi ka naman maging inosenteng parang kabababa lang sa bundok. Parang isaw, nasa-stick na kapag binili para kahit nasa jeep o kahit naglalakad ka’y makakakain ka pa din. Madaling baunin kahit saan ka man papunta.

Isaw pampulutan

Sa dinami-dami ng mga kaibigan mo nabilang mo na ba kung ilan sa kanila ang nakilala mo sa eskwelahan? Malamang kasama mo pa sila ngayon. Hindi ba’t silang iyong mga kaibigan ang kasabayan mong kumain, umuwi, maglakad kahit pati gumawa ng assignment? Ang bawat sulok ng unibersidad na ito ang naging saksi sa inyong pagsisimula, pagkakabuklod, kalokohan at pagod. Parang isaw, kasama sa bawat inuman dahil masarap na pulutan. Saksi ang isaw sa bawat tawanan ultimo iyakan ng inyong barkadahan.

Huling hirit, isaw sa pangkalahatan.

Oo, nakakatamad. Nakakatamad gumising ng maaga para hindi masermonan ni nanay at ni propesora. Nakakatamad magsulat ng lecture, magsagot ng quiz na alam mo namang ibabagsak mo lang. Pero isipin mo naman, kolehiyo ka na. Kaunti-kaunting hirit nalang tapos na ang paghihintay para sa isaw na inaasam. Oo, lunod ka na sa dami ng algebraic expressions, contextual clues, at petsang kinakabisado mo pero hindi ito ibinibigay ng mga prof dahil trip-trip lang nila. Hindi mo ba naisip na habang tumatagaktak ang pawis mo sa pagsolve ng arc ng circle ay nahahasa ang tiyagang pumapaimbulog sa iyong dugo? Na habang binabalikan mo ang istorya ni Rizal ay nabubuhay ang iyong pagka-Pilipino? Na habang naghihirap ang palaka sa iyong mga kamay ay natututo kang magpahalaga sa buhay? Na habang nagsusulat ka nang sanaysay mong pagkahaba-haba’y nagniningas ang kaalamang nais mong ihain sa babasa? Hindi lang ito pataasan ng marka, ang grado mo’y numero lang na sumasagisag sa iisa. At ang isang iyon ay kung ano ang natimo sa iyong puso at isipang uhaw. Hindi naman ang kung ano ka at kung anong kaya mong ibigay ang mahalaga, kundi yaong kung magiging ano ka matapos ang lahat. Matapos mong maghintay ng matagal, pag naisawsaw na sa suka’t nakagatan mo na, solb ka sa isaw na hinintay mo, diba?

 

 

Entry Filed under: essays and tagged: , , ,

Leave a Comment

Required

Required, hidden



Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <pre> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Trackback this post  |  Subscribe to comments via RSS Feed

Pages

Categories

Calendar

March 2008
M T W T F S S
    Aug »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31