“Sa Pagsilip ng Dapit Hapon”

March 29, 2008 twilightmistress

Napansin ko itong lumulutang-lutang. Nag-iisa. Nakatungo. Nakataas ang isang kamay na tila ako’y kinakawayan mula sa maitim na tubig na kinalalagyan. Gusto ko non. Bulong ko sa sarili. Nakikini-kinita ko ang sariling hawak-hawak iyon, yakap-yakap. Ipapakita ko iyon kay Popoy at makapaglalaro na kami. Para meron na akong sarili at di na kailangang laruin yung sa iba.

“Edi Boy! Nagsasaing ka na ba?!” napakislot ako dahil sa sigaw mula sa tarangkahan ng aming bahay. Agad kong ipinagpatuloy ang paglilinis ng bigas, nilagyan ito ng tubig muli at isinalang sa kalan.

“Lola, ala na pong gaas!” pasigaw kong sinabi ng pinihit ko ang kalan at walang apoy na lumitaw. Pumanhik si Lola sa mababaw na hagdanang kawayan habang pinapahid ang sabon mula sa kamay sa gilid ng kanyang palda. Nakalamukos nanaman ang mukha niya. Sus, hindi naman iyon kakaiba. Lumapit siya sa aking gilid, sa may bungaran ng kusina. Hinawi nya ang munti kong ulo upang subukang pihitin ang kalan. Tumama sa aking noo ang malambot, mataba at lumalawlaw niyang braso at ako’y napaupo sa kalapit na bangko malapit sa bintana. Bumalikwas ako at tumingin muli sa labas, hinahanap ko ang robot na lumulutang kangina. Mabuti nalang at nariyan pa siya. Gusto ko sanang abutin iyon ngunit hindi kaya ng maninipis at maikli kong braso. Maya maya’y naramdaman ko ang patak ng ulan sa ilong ko at ako’y napatingin sa bubong. Butas nanaman?

“Punyetang, kalan yan!” bungalngal ni Lola. “hoy bata ka, hanapin mo ama mo! Pabilhin mo ng gasul!” utos pa niya. Agad akong tumayo at lumabas ng bahay. Nasan nga kaya si Tatay? Naalala kong umuwi siya kanginang umaga lang para kumain ng pandesal at uminom ng kape. Nang makita niya ko’y ngumisi siya at sa hindi ko mapaliwanag na kadahilanan, ako’y kinabahan. Matapos noo’y di ko na siya nakita muli.

“Hoy, Edi Boy!” agad akong napalingon. Alam ko kung kaninong boses iyon! Patakbong tinungo ako ni Popoy. “Bis’ren! Musta na ba?” Bis’ren ang tawag niya sa’kin. Hindi ko alam kung ano ba iyon pero sabi niya yun daw ang tinuro ng titser nyang banlag. Kung saan ang eskwela nya at kung sino iyong titser ay hindi ko alam. Iyon daw ang tinatawag sa mga taong malapit sa iyo. Malamang dahil kapitbahay namin sya.

“Ayos lang, nakita mo ba tatay ko?”

“Si Mang Ising? Ewan ko, baka nandun,” sabay nguso sa makipot na eskenita sa aming kaliwa. “sa kanila Mang Jibo.” Napatingin ako sa kantong itinuturo niya. Maraming lalaki doon. Malamang ay nakikinood nanaman ng ti-bi at nakikihiyaw sa mga kainuman nya si Tatay. Hindi ko alam kung bakit nakikinood pa siya roon eh mayroon naman kami sa bahay. “Oy, Bis’ren! Halika laro ulit tayo ng robot ko!” pag-aaya nitong si Popoy.

“Ayoko nyan, ikaw lang nakakalaro sa robot eh, ako laging yung robot ni Mimi ang nilalaro ko. Ang panget-panget naman eh!” sabi ko habang inaalala ang hubad na hugis babaeng robot na sabog-sabog ang kulay mais na buhok at ang pangalan daw ay Barbi.

“Eh wala ka kasing robot eh.”

“Hindi, magkakarobot ako! Mamaya hintayin mo ako. Ha?”

“O sige.” Sagot niya. Maya-maya’y tinungo ko ang bahay nila Mang Jibo at nakisiksik sa mga lalaki doon. Luminga-linga ako, pero wala si Tatay.

“Mudras, Mudras” hinaltak ko ang laylayan ng damit ng payat na babaeng may sigarilyo sa bibig. Ayon sa kanya, siya ay 19 na taong gulang pa lamang pero hindi ako naniniwala dahil sa lalim ng kanyang mata at dami ng kanyang anak.

“O, baket?!” ang mga mata niya ay nakatuon pa rin sa ti-bi.

“Si Tatay po?”

“Ala dito, Edi Boy. Hindi ba umuwi na kangina?” sabi niya sabay tingin sa akin. Umiling ako. “Hindi ko alam eh… baka nandyan lang yon.” Ipinatong niya ang kamay niya sa aking ulo at ginulo ang buhok ko. Ang mata niya’y kasing lamlam ng ilaw ng poste dito sa aming lugar. “Umuwi ka na Edi, wag ka dito.” Sabi pa niya. Nais ko sanang tanungin siya kung bakit pero pinigil ko ang sarili sapagkat nakakasawa na magtanong. Kaya’t tumalikod nalang ako at tumungo pauwi. Sa gilid ng aking mata ay naramdaman kong sinundan niya ako ng tingin, kagaya ng dati.

“Lola, di ko po makita si Tatay.”

“Anak ng tinapa! Eh pano tayo kakain ng hapunan? Anong oras na, alas sais y’ media na! Yang ama mo! Parehong-pareho kayong mag-ama, ala na kayong ginawa kundi lumamon!” ang bungad niya. “Hala! Heto ang bariya. Bumili ka nalang ng kanin sa labasan. Ibigay mo lahat iyan ha! Sabihin mo pabili po ng lutong kanin! Dalian mo’t gutom na ko!” Pagkakuha ng bariyang inabot ni Lola ay nilakad ko naman ang daan patungo sa labasan.

“Kanin po” sabi ko sa tindera.

“Magkano?” natahimik ako.

“Lahat daw po ito,” sabay abot ng mga bariya sa aking palad.

“Lahat? sampung pisong kanin?” Nakatingin ang lahat sa’kin at ako’y kinabahan. Parang nais kong tumakbo sa takot at kalituhan. Kaya’t tahimik akong tumango sa tindera. Sa wakas ako’y inabutan niya ng plastik na may lamang kanin. Mainit-init pa ngunit parang hindi ata kakasya ito para matirhan pa ang aking ama. Konti na lang ang kakainin ko para kumasya. Habang naglalakad sa gilid ng ilog ay nakita ko siyang muli. Nanlaki ang aking mata, malapit siya sa pampang! Madali siyang kunin mula sa kabilang dako! Kaya’t walang anu-ano’y tinawid ko ang tulay na kahoy at lumapit sa robot na nais kong kunin. Lumuhod ako sa lupang halos kulay itim at pilit na inabot ang robot.

“Isidro, utang na loob! Ilabas mo na anak ko!”

“Anak mo?! Anak mo?! Eh, putragis pala!!! Lumayas-layas ka, iiwan mo yung bata at mawawala kang parang bula pagkatapos sasabihin mo ilabas ko anak mo?!” sigaw ni Isidro sa babaeng naka-itim. Binugahan niya ang nanunuyang babae ng usok ng sigarilyo niyang kakapiranggot na.

“Isidro, anak ko pa din siya. May karapatan ako sa kanya! Kung hindi mo siya ilalabas ay…” napahinto siya. Sa gitna ng usok ay naaninag niya ang bangis ng mata ni Ising. Nagsisimula na siyang mainis.

“Ay ano? Ipakukulong mo ko?! Gamit ang perang ninenenok mo sa asawa mo?! Wag mo kong takutin Grace! Kung hindi kita pinakilala kay Smith malamang hanggang ngayon nagpuputa ka pa!” nanginig ang laman ni Grace sa mga salitang binitiwan niya. Hinihigop na siya ng nakaraan at iyon ang kinakatakot niya. “At higit sa lahat… baka nakakalimutan mo, pinagtakpan ko ang butas mo! Tinulugan kitang itago ang anak mo kay Arturo! At ngayong hinahanap na niya ang anak niya… tiktiktik… boom!!!” tumawa siya ng malakas na malakas, ang usok ng sigarilyo’y tila suntok sa sikmura ni Grace. Kinabahan siya habang pinapanood lang na tumawa at bumaba ng sasakyan si Isidro.

Halika na dito… robot halika na dito… patuloy kong binulungan ang plastik na robot. Pilit ko itong inaabot. Patuloy ang pagpatak ng ambong malapit na atang maging ulan. Kailangan kong makuha ang robot bago pa ito agusin ng tubig. Hayan na! Konti na lang!

“Mudras!” sumigaw si Lola mula sa bintana “Napansin mo ba si Edi Boy? Putragis, napakatagal! Pinabili ko lang ng kanin eh!”

“Hindi ho! May ulam na ho ba kayo ‘la?”

“Eto, tilapia lang. binili ko kanginang umaga!”

“Ay nako, lola, high tide ho ngayon! Baka na-high tide ho yang isda nyo! Ere ho ang ulam oh, maggulay nalang ho kayo!” iniabot ni Mudras ang mangkok ng ginisang sayote sa matanda

“Salamat ha! Pag nakita mo si Edi Boy e pauwiin mo nga!” sabi naman ni Lola.

Konti nalang! Konti nalang! Halos dumampi na ang laruan sa aking mga daliri. Konti nalang! Sumilip nang kusa ang ngiti sa aking labi. Hindi ko alintana ang patak ng ulan at pawis sa mukha. Tinangka kong hablutin ang laruan, ngunit hindi ko inaasahan ang nangyari. Bumigay ang kakaunting lupa na aking niluluhuran at ako’y nahulog sa tubig ilog. Hinablot ko ang lumulutang na laruan ngunit nabalisa ako! Nagulat! Bakit wala akong makapang lupa??? Bakit wala akong maapakan??!!! Sinukluban ako ng takot at nakapipiping pangamba. “Tatay!!!” Ikinampay ko ang aking mga kamay at sumigaw ako ng sumigaw. Ngunit tila walang nakaririnig sa matinis kong boses. “Tatay!!!” patuloy kong hiningi ang proteksyon at tulong niya… pero wala siya… wala akong makita… at tila ba may bumulong sa akin na mapagod na. Mapagod na sa mga pangyayaring hindi ko maintindihan at tila hindi ko na maiintindihan pa. Kaya’t unti-unti, dahan-dahan… itinigil ko na ang nakapapagod na pakikipagbuno sa ilog ng kawalan. Ang baho at itim nito’y tila wala na para sa akin. At ako’y napatingala sa lumuluhang kalangitan. Nabatid kong sumisilip na ang dapithapon. Ngayon, hindi ko na kailangang pilitin ang sariling umintindi

Entry Filed under: Stories and tagged: , , , ,

4 Comments Add your own

  • 1. torisse&hellip  | 

    ang ganda kxo ,ndi cu naintindihan ung huli ..ndi nua mlinaw ..

    pero kh8 ganun nkktwa p rn ang ibng ekxena

    kip up the gud work ..

  • 2. torisse&hellip  | 

    ganda ne’2 ..bitin nga lng za ending ..

  • 3. torisse&hellip  | 

    ganda ne’2 kaso bitin acu za ending ..

    • 4. twilightmistress&hellip  | 

      wow thank you po for readin’

      hehehe mejo vague nga ung ending, kaw nlng bhala magisip kung anu nangyari ;)
      sna may tym k din bahin yuing iba ko pang stories tnx ulit!

Leave a Comment

Required

Required, hidden



Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <pre> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Trackback this post  |  Subscribe to comments via RSS Feed

Pages

Categories

Calendar

March 2008
M T W T F S S
    Aug »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31